Nilinaw ni House of Representatives spokesperson Atty. Princess Abante nitong Biyernes, Hunyo 20, na hindi umano pinabayaan ng House ang San Juanico Bridge.

“Noong kampanya, proud siyang sabihing ‘taga-Leyte’ siya (Imee Marcos). Tarpaulin dito, picture doon. Sinasabing may dugo rin siyang Waray. Pero ngayong may krisis — imbes na tumulong, puro sisi? Kaya tanong lang po: Ano na po ba ang aktwal ninyong ambag sa San Juanico Bridge?” sabi ni Abante.

Ito ay matapos punahin ni Sen. Imee Marcos ang budget para sa maintenance ng naturang tulay.

“Gusto lang po naming ituwid ang mga maling akala. Hindi totoo na pinabayaan ng Kongreso ang San Juanico Bridge. Simula pa po noong 2018, taon-taon nang may pondo na inilaan para sa rehabilitasyon ng tulay,” sabi ni Abante.

Ibinahagi naman niya ang actual amounts ng budget para sa maintenance ng San Juanico Bridge kung saan P27 milyon ang inilaan dito noong 2018, P22 milyon noong 2019, P105 milyon noong 2021, P90 milyon noong 2022, P150 milyon noong 2023, at mayroon pa umanong proposal na P400 milyon para sa 2026.

Inihayag rin ni Abante na noong Hunyo 5, nakipagpulong si Tingog Rep. Jude Acidre kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manny Bonoan alinsunod sa utos ng House Speaker Martin Romualdez para pabilisin ang pagkukumpuni at pagsusuri sa nasabing proyekto.