(Photo courtesy by Land Transportation Office-Philippines)
Halos 600,000 na plaka ng sasakyan, na hindi pa nakukuha ng mga vehicle owners, ang nadiskubre sa impounding facility ng Land Transportation Office (LTO) sa Cebu.
Mismong ang bagong LTO chief na si Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang nakadiskubre ng mga nakatenggang license plates nang bumisita ito sa kanilang sangay sa Talisay City, Cebu.
“Gusto natin na ipalabas na natin ito sa ating mga motorista. As you can see may mga problema tayo, such as the website. We have to upload the information to the website,” ani Mendoza.
Aniya, ang Central Visayas ang isa sa rehiyon sa bansa na may maraming unclaimed license plate. Ayon sa datos ng LTO, 71,564 plaka ng sasakyan at 528,772 plaka ng motorsiklo ang nakatambak lamang sa mga impounding facility sa rehiyon.
Ayon pa rin sa mga ulat, may mga plakang 2018 pa dapat na makuha subalit nakatengga pa rin sa kanilang bodega.
Samantala, nilinaw naman ni Mendoza na ang 60 araw na taning na nabanggit niya kamakailan ay para lamang sa mga opisyal ng ahensiya at car at motorcycle dealers, at hindi sa may-ari ng behikulo.
“It is actually a directive to all our Regional Directors, District Chiefs, Offices and Extension Offices, to find the best ways to properly and efficiently distribute the unclaimed license plates within 60 days,” ani Mendoza sa isang pahayag.
Aniya, katungkulan ng LTO na agad na mag-isyu ng mga plaka para sa inirerehistrong mga sasakyan sa ahensiya.