(Photo courtesy by US Embassy)
Pinuna ng United States government ang ongoing reclamation project sa Manila Bay, kung saan din matatagpuan ang embahada nito, dahil sa mga isyu na umano’y may kinalaman sa epekto sa kalikasan, seguridad ng bansa, at posibleng anomalya sa mga transaksiyon.
“We have expressed concerns about the potential negative long-term and irreversible impacts to the environment, the resilience to natural hazards of Manila and nearby areas, and to commerce,” pahayag ni US Embassy spokesperson Kanishka Gangopadhyay.
“We are also concerned that the projects have ties to the China Communications Construction Co., which has been added to the U.S. Department of Commerce’s Entity List for its role in helping the Chinese military construct and militarize artificial islands in the South China Sea,” dagdag niya.
Iginiit ni Gangopadhyay na markado ang China Communications Construction Co. kapwa ng Asian Development Bank (ADB) at World Bank dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga maanomalyang transaksiyon sa mga nakalipas na panahon.
Aniya, ang tanging sinusuportahan ng US government ay ang mga high-quality, sustainable, at transparent projects na tiyak na pakikinabangan ng mga Pilipino.
Inaasahang hahatak ng investments ang Manila Waterfront Reclamation Project mula sa iba’t ibang hotels, casinos, restaurants at residential/commercial condominiums sakaling nakumpleto na ang pagkukumpuni nito.
Sa kabila nito, inihayag ng US Embassy na patuloy nilang babantayan ang proyekto at maging ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga stakeholders nito.
Una nang inamin ni Sen. Sherwin Gatchalian na nakibahagi ang kanyang pamilya sa negosasyon sa pagpapatupad ng reclamation project habang iginigiit na dumaan sa legal, malinis at tamang proseso ang pagpapatupad ng kontrata para dito.