(Photo courtesy by Philippine Air Force)

Natagpuan na ng search and rescue team ng Philippine Air Force (PAF) ang Cessna plane na naiulat na nawawala nitong Martes ng hapon.

Batay sa ulat, ang bumagsak na Cessna 152 plane na may tail number RPC-8598 ay natagpuan sa boundary ng Salvacion Luna at San Mariano Pudtol, Apayao.

Ayon sa Cagayan Provincial Information Office, lulan ng aircraft sina Capt. Edzel John Lumbao Tabuzo, piloto, at estudyante nitong si Anshum Rajkumar Konde, isang Indian national.

Nakita ng medical at rescue team lulan ng isang Black Hawk helicopter ng PAF ang crash site kung saan din natagpuan ang bangkay ng dalawang biktima.

Matatandaang sa inisyal na ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Office of the Civil Defense, ang Cessna 152 plane (RPC-8598) ay nakatakda sanang lumapag sa Tuguegarao Airport dakong 12:30 ng hapon nitong Martes ngunit hindi ito nakarating.

Inihayag ni Eric Apolonio, tagapagsalita ng CAAP, tinangkang balikan ng isang helicopter ng Philippine Coast Guard (PCG) ang crash site upang magsagawa ng retrieval operations subalit naging hadlang ang poor visibility sa lugar.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng nagtangkang mag-emergency landing ang eroplano pero hindi nakakita ng open area ang piloto.

Huling na-monitor ang eroplano sa 32 nautical miles ang layo mula sa Alcala, Cagayan.

Napag-alaman na ang Cessna plane ay pag-aari ng Echo Air International Aviation Academy Inc.

–Baronesa Reyes