Nilagdaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Commission on Elections (Comelec) nitong Martes, Nobyembre 12, ang isang memorandum of agreement (MOA) para tiyakin ang peaceful, clean at honest 2025 national at local elections.
Sa ilalim ng MOA, magkakaroon ng access ang Comelec sa command center, kagamitan, at tauhan ng MMDA para sa mga aktibidad na may kinalaman sa halalan.
“Yun pong mga assets ng MMDA, including our command center, our body cams, radios, deployable camera, at mobile command center ay atin pong ipapagamit at magiging under the disposal ng Comelec during the election period to ensure a clean, honest, and transparent election,” ayon kay MMDA Chairman Don Artes.
Bibigyan din ng MMDA ang Comelec ng manpower at logistical support para tulungan ang mga election officer sa pagtanggal ng mga materyales sa halalan na nakikitaan ng paglabag sa batas.
Nanawagan naman si Artes sa mga kandidato na maging responsable sa paglalagay ng kanilang campaign materials.
“Otherwise, masasayang lang din ‘yan kasi tatanggalin lang din po ‘yan ng Comelec, katulong po ang MMDA,” saad ng hepe ng MMDA.
Ulat ni Ann Marie Ongue