Sa pinakabagong partial at unofficial results mula sa Commission on Elections (Comelec), lagapak sa laban ang ilang sikat na personalidad mula sa showbiz at sports na sumubok sa larangan ng pulitika.
Sa Senate race pa lamang ay tila matumal na ang suporta kina Sen. Bong Revilla, TV host Willie Revillame, aktor na si Philip Salvador, boxing star at dating Senator Manny Pacquiao, at ang pop singer na si Jimmy Bondoc, na lahat ay wala sa top 12.
Sa mga lokal na posisyon naman ay tila hindi rin umubra ang star power para makakuha ng boto.
Ito ay matapos matalo sa pagka-gobernador ang aktor at politician na si Dan Fernandez sa Laguna; madulas sa pagka-bise gobernador sina Luis Manzano sa Batangas at Jorge Jerico Ejercito sa Laguna; at maligwak si Roi Vinzon sa pagiging board member ng Benguet.
Hindi rin nakalusot sa Kongreso sina Marco Gumabao, Ejay Falcon, Lino Cayetano, at Rey Malonzo.
Pagdating naman sa pagka-alkalde ay tila mas pinili ng mga botante ang serbisyo kaysa celebrity charm na naging dahilan ng pagbagsak sina Raymond Bagatsing, Sam Verzosa, Philip Cezar, Victor Neri, Emilio Garcia, Dj Durano, Arnold Vegafria, Bobet Vidanes, at marami pang iba.
