Naghain si Rose Nono Lin, na isinangkot sa kontrobersyal na Pharmally scandal, ng kanyang certificate of candidacy ngayong Lunes, Oktubre 7, para sa congressional seat ng 5th District ng Quezon City.
Sa kabila ng paulit-ulit na tanong ng media kay Rose Nono Lin, tungkol sa kanyang pagkakasangkot sa Pharmally scandal at iba pang isyu kaugnay naman sa illegal POGO operations, tumanggi si Lin na magbigay ng pahayag.
Sa halip, tatapatan ni Rose ang kasalukuyang Quezon City 5th District Representative na si Patrick Michael “PM” Vargas, bilang kandidato sa pagkakongresista ng lugar.
Noong Setyembre 27, sa isinapublikong “matrix” ni House Deputy Speaker David ‘Jay-jay’ Suarez, para ipakita ang koneksiyon ng illegal drugs trade at POGO, tinukoy niyang isa sa mga pangunahing personalidad umano sa “criminal enterprise” si Rose Nono Lin, nasangkot sa Pharmally scandal ng overpriced medical supplies, “sa panahon ng pandemya na maraming Pilipino ang napaluhod at pinahirapan ng COVID-19… pinagkakitaan mo ang kalagayan ng mamamayang Pilipino.”
Malapit ang koneksiyon ni Rose Nono Lin sa mga pangunahing karakter sa “criminal enterprise” na tinukoy nina House Deputy Speakers David ‘Jay-jay’ Suarez at Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na si Michael Yang, dating presidential economic adviser ni former president Rodrigo Duterte; at ang asawa ni Rose Nono Lin na si Allan Lim.
Kabilang sa sandamakmak na kumpanyang na-kontrol nina Yang, Lim, at Rose Nono Lin ang Brickhartz Technology Inc., na hinihinalang sangkot sa ilang kaso ng kidnapping at konektado naman sa Xionwei Technology Co. Ltd., na ayon kay Suarez ay naging “entry point” ng POGO sa Pilipinas.