Ibinunyag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na ang pagkakaaresto kay Pauline Canada sa Emily Homes Subdivision sa Barangay Buhangin, Davao City nitong Huwebes, Hulyo 11 ay bunga ng impormasyon na ibinigay ng hindi pinakilalang indibidwal.
“Sa mga bumabatikos sa reward, uulitin ko lang. Ito ay galing sa mga pribadong tao. Hindi po ito ibinigay sa akin. Sila po ang magbibigay dun sa informant. Hindi po ito dumaraan sa akin,” sabi ni Abalos.
“Maski papaano nakatulong ang reward dito dahil sa may tumawag tungkol dito,” sabi ni Abalos sa press conference nitong Biyernes, Hulyo 12, kung saan iprinisinta niya si Canada sa media sa Camp Crame.
Unang binatikos ni Atty. Ferdinand Topacio ang pagtanggap diumano ng DILG ng malaking halaga mula sa pribadong indibidwal para gamitin bilang cash reward sa pagkakaaresto sa kanyang kliyente na si Apollo Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at mga kapwa akusando nito.
Ayon kay Abalos, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang indibidwal noong Hulyo 9 na nagsabing alam niya ang kinaroroonan ni Canada, dahilan upang magsagawa agad ng surveillance operation ang mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na natuloy sa pagkakadarakip ng suspek.
Ang nasabing impormante ay makatatanggap ng P1 milyon cash reward matapos maaresto si Canada.
Si Quiboloy ay may patong sa ulo na P10 milyon habang si Canada habang ang apat na iba pa ay may katapat na tig-P1 million cash reward.