Iprinisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes, Hunyo 21, ang limang katao na nasa likod diumano ng pangha-hack ng mga websites ng iba’t ibang government agencies, kabilang Armed Forces of the Philippines (AFP), National Security Council (NSC) at mga sangay nito.

Sa isang press conference, sinabi ni NBI Director Jimmy Santiago na inamin ng limang suspek ang kanilang kaugnayan sa cybercrime operations sa extra judicial confession na kanilang nilagdaan at kinunan pa ng video habang nagbibigay ng salaysay sa kanilang ilegal na aktibidad.

“Base sa kanyang extra judicial confession, sinabi ng isa sa mga suspek na ang naguutos sa kanya ay isang editor ng Manila Bulletin. Siya na po ang magpapangalan nun, kung sino,” ayon kay Jeremy Lontoc, hepe ng NBI Cybercrime Division.

Ayon kay Lontoc, noong pang 2016 nagsimula ang grupo na mang-hack ng mga government agencies noong sila ay nasa 16 taong gulang pa.

Samantala, mariing itinanggi ni Art Samaniego, technology editor at ICT head ng Manila Bulletin, na siya ang nag-utos sa arestadong IT employee na i-hack ang AFP, NSC at maging ang mga bangko.

Hinamon ni Samaniego ang naturang IT officer na patunay ang mga paratang laban sa kanya.

Sinabi ng NBI na inamin umano ng limang arestadong suspek sa kanilang nilagdaang extra judicial confession na na-hack nila ang malalaking bangko tulad ng Philippine National Bank (PNB), Union Bank, BDO at maging ang Security Bank.

“Nakita namin sa device nila through controlled viewing ang mga user account credentials like passwords, username at even OTP (one-time password), thousands of data,” sabi ni Lontoc.

Ayon kay Lontoc, na nakikipag-ugnayan na sila sa mga bangkong nabiktima ng hacking ng limang suspek upang madetermina kung tunay ang mga personal data na kanilang narekober mula sa grupo.

Sinabi pa ni Lontoc na ibinebenta ng mga hacker ang bawat impormasyong kanilang nakulimbat sa mga bangko sa mga “bridge” o “dark” forum bago ang mga ito ay napupunta sa organized cyber criminals.

“Ang mga data na ito ang ginagamit ng mga scammers sa kanilang mga exploits,” ani Lontoc.

Sinabi naman ni NBI Director Jaime Santiago na isinailalim na sa inquest proceedings ang limang suspek sa Manila Prosecutors Office.

“I want this hanggang conviction. Hindi namin bibitiwan ang kaso,” ani Santiago.

Idiniin naman ng isa sa limang suspek si Samaniego na nasa likod umano ng kanilang hacking operations sa mga government agencies at commercial banks.

“I would send him details of my exploits, kung paano ko ginawa ‘yun exploits, show him the POC (proof of concept) para mapatunayan na ako mismo ang nag-hack at may hacking na nangyari,” pahayag ng isang pinaghihinalaang hacker.

Sa isang press conference sa NBI Headquarters sa Maynila nitong Biyernes, Hunyo 21, ikinuwento ng hindi pinangalanang suspek kung paano nagkatagpo ang landas nila ni Samaniego na natuloy umano sa hacking operations.

“Nag-ask po siya sa akin na i-check ‘yun vulnerability (ng mga target),” sabi ng suspek.

Aniya, ipinasok siya ni Samaniego sa Manila Bulletin limang taon na ang nakararaan bilang data security officer.

“Aware naman po ako na mali yun hacking servers or websites with proper authorization is a violation of the anti-cybercrime law. Sa akin challenge yun dating niya,” giit ng suspek na kabilang sa limang dinampot ng NBI habang nagpupulong sa Manila Hotel.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *