Pinangalanan na ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang tatlong personalidad na kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) dahil umano’y pagpatay sa magkasitahang Geneva Lopez, isang dating beauty pageant candidate, at Israeli boyfriend nitong si Yitshak Cohen.

“Ang tatlong babanggitin ko ay iniimbestigahan sa ibang kaso pero malaki ang kinalaman dito po sa kaso ni Geneva at Yitshak,” sinabi ni Abalos.

Ang mga ito ay kinabibilangan ni Michael Guillan at Rommel Aboso, kapwa mga dating pulis na sinibak sa serbisyo noong 2020 at 2019 dahil sa pagiging AWOL.

Ang pangatlong arestadong suspek ay si Jeffrey Santos, isang sibilyan.

Sinabi ni Abalos na ang tatlo ay ininguso ng dalawang kasabwat nila nagboluntaryong sumuko sa pulisya para magbigay ng impormasyon hinggil sa nangyaring krimen.