Balak na magsampa ng reklamong cyber libel ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) laban sa isang content creator na nasa likod ng viral post kung saan binayaran umano niya ang isang HPG personnel para magsilbing escort niya sa pagsingit sa trapik.
Sinabi sa post ng babaeng vlogger na umarkila umano ang kanyang asawa ng serbisyo ng PNP-HPG para makaiwas siya sa trapik. Nakipagusap umano ang PNP-HPG sa babae na ito tungkol sa kanyang trending post pero tumanggi umano itong sumagot.
“Pero nung mga sumunod ay may mga reasons na siya na busy siya, marami siyang engagement. So until today ay hindi na po nila nakakausap. So ang intensyon po ng Highway Patrol ay magsampa po ng kaso. For violation of our cyber laws po,” ani PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo.
Nagkalamat diumano ang reputasyon ng HPG dahil sa ginawang post ng vlogger pero posible umano na nagpapanggap lamang ito na opisyal ng PNP-HPG sapagkat ang bagong uniporme ng HPG ay may mga serial number na wala sa kanyang vest. Wala ring marka ng HPG ang kanyang motorsiklo.
Ulat ni Benedict Avenido