Ipinagpatuloy ng mga awtoridad noong Sabado, Hunyo 8 ang kanilang pagsalakay sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga matapos makakuha ng bagong search warrant ang mga awtoridad noong Biyernes ng ika-7 ng Hunyo.

“Kagabi kasi walang ilaw eh, kaya nagdecide na lang kami to resume today,” ani Undersecretary Gilbert Cruz, executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.

Nauna nang nakita ng mga awtoridad ang ebidensya ng torture matapos nilang mailigtas ang mga sugatang dayuhan sa loob ng compound.

Kabilang sa mga ito ang isang Chinese na nakaposas sa frame ng kama na may maraming pasa at sugat sa buong katawan.

Iniulat din ng PAOCC ang isang babae na pinahirapan at ibinenta sa pamamagitan ng online bidding para sa mga serbisyong sekswal sa loob ng compound.

Ang nakaraang raid na isinagawa sa loob ng compound ay humantong sa pagkakaaresto sa 158 Chinese, Vietnamese, at Malaysian nationals. Nauna nang sinabi ni Casio na inaasahan nilang maaresto ang higit sa 1,000, ngunit ang impormasyon sa operasyon ay maaaring na-leak ng mga insider.

Ulat ni Benedict Avenido