Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-aaral sa pagbuo ng legal department para sa Philippine National Police (PNP) upang protektahan ang mga pulis laban sa mga legal cases na inihahain para lamang gipitin o takutin ang mga pulis sa kanilang pagsugpo sa kriminalidad.
“Pag-aralan natin nang mabuti because ginagawang weapon, wine-weaponize ‘yung kaso. So, kapag nahuli ‘yung kriminal, huling-huli na, pero magaling abogado tapos walang kalaban-laban naman ‘yung ating pulis,” sabi ni Marcos.
Sa ikalawang PNP command conference sa Camp Crame, sinabi ng Pangulo na ang legal department ang magsisilbing defense council para sa mga pulis na kakasuhan ng iba’t ibang grupo na ang tanging motibo ay idiskaril ang kanilang misyon.
Ayon sa Pangulo, kahit nahuli na sa akto ang kriminal, madalas nawawalan ng diskarte ang mga pulis dahil kumukuha ng magaling na ang abogado ang mga sindikato.
“We’ll create an office, the legal office within the PNP who will be the defense council of any policeman who is charged with whatever complaint, crime. Mayroon at mayroon silang tatakbuhan kagad na abogado just to give them advice and it will be internal, so hindi na sila magbayad,” ayon kay Marcos.
“They can afford a lawyer so for one week tapos, tapos na. So we have to provide that kind of protection para naman ‘yung mga pulis natin, malakas ang loob na gawin ‘yung trabaho nila. Kahit tama ‘yung ginagawa nila, hinaharass sila,” dagdag ng Pangulo.
Ulat ni April Steven Nueva España