Plano ng Land Transportation Office (LTO) na pagmultahin sa Hunyo 2024 ang mga nakabili ng sasakyan, cash man o naka-mortgage, subalit bigong maiparehistro agad sa LTO.
“Kailangan ‘yung pagbebenta o pagsasangla ng sasakyan kailangan po naka rehistro sa LTO. ‘Pag hindi ‘yan naka-rehistro o hindi nareport ang pagkabenta, may penalty po ‘yan na ipapataw natin,” sabi ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza II.
Sa panayam ng Radyo 630 ngayong Biyernes, Mayo 31, sinabi ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza II na plano niyang maglabas ng memorandum sa mga susunod na araw hinggil sa naturang isyu.
“We’d like to do it online, no? Para madali lang ‘yung introduksyon at hindi mahirapan ‘yung tao. Inaayos lang po namin itong online system na pwede nilang i-correct ‘yung kanilang data sa kanilang rehistro o lisensya para hindi na sila mismong pumunta sa LTO,” aniya.
Ito ay matapos matuklasan ng pulisya na ang Mercedes Benz na ginamit ng suspek na si Gerrard Talusan Yu sa pamamaril ng isang family driver sa insidente ng gitgitan sa EDSA Ayala tunnel sa Makati City kamakailan, ay binili nito sa isang taga-Las Pinas City subalit hindi nito inirehistro sa kanyang pangalan sa LTO.