Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga tatakbo sa May 2025 midterm elections laban sa mga nagaalok ng “sure win” sa halalan sa halagang P50-P100 milyon.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na nakatanggap siya ng impormasyon na may mga indibidwal na nagaalok sa mga kakandidato ng “sure win” formula subalit kailangan silang magbayad ng malaking halaga para mamanilupa diumano ang resulta ng halalan.
Kabilang sa modus operandi ng sindikato ay ipinagmamalaki sa mga potential patrons na marami silang koneksiyon sa Comelec kaya mayroon silang kakayahan na baguhin o manipulahin ang election results para matiyak ang pagkapanalo ng kanilang manok.
Sinabi ni Garcia na ito ay isang malaking scam kaya hinikayat nito ang publiko na ipaalam sa Comelec kung mayroong impormasyon ang sino man hinggil sa mga nagaalok ng “sure win” para sa mga kandidato.
Ani Garcia, makabago ang teknolohiya na gagamitin ng Comelec sa halalan upang ma-countercheck kung makakaroon ng manipulasyon sa elections results.