Walong police operatives ang inaresto ng mga kapwa pulis sa loob ng kanilang himpilan matapos ang salakaying ang maling bahay na pinagkamalang pinagkukutaan ng mga drug personalities sa Barangay Raasohan, Lucena City madaling araw noong Mayo 24.
Kabilang sa mga dinakip na police officers ay isang captain, dalawang sarhento at limang corporal na pawang nahaharap sa mga kasong grave threat, unjust vexation, at violation of domicile. Bukod dito, nahaharap din sa kasong administratibo ang walong police operatives.
Ang pagkakasibak sa walong police operatives ay nag-ugat sa reklamo nina Renelyn Rianzales, 52, at isang Armando Paderon, matapos salakayin ng grupo ang kanilang bahay sa Purok Masagana na walang kaukulang arrest warrant.
Sinabi sa report na tinutukan din ng baril at pinagbantaan ang dalawa bago tinangay diumano ang kanilang personal na gamit sa bahay.
Lumitaw din sa imbestigasyon na si Rianzales ay tumestigo sa pagdinig sa Kamara na pinangunahan nina Deputy Speaker David Suarez at Santa Rosa (Laguna) Rep. Dan Fernandez kaugnay sa ginanap na Sangguniang Kabataan at Barangay elections noong 2023.