Naging isang tropical depression na ang dating low pressure area na namataan sa silangang bahagi ng Mindanao dakong alas-2 ng madaling araw ngayong Biyernes, Mayo 24 at ito ay pinangalanang “Aghon” matapos pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Base sa tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang tropical depression “Aghon” ay huling namataan 340 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, at ito ay gumagalaw patungong west-northwestward sa bilis na 30kph.
Mayroon itong dalang maximum sustained wind na 45kph malapit sa gitna at bugso na aabot ng 55kph.
Ayon pa sa PAGASA, posibleng mag-landfall ang Aghon sa Eastern Samar sa Sabado, Mayo 25, ng umaga.
Dahil sa inaasahang malakas na hanging na dulot ng Aghon, itinaas na rin ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 sa Eastern Samar, Dinagat Islands, Siargao Islands, at Bucas Grande Islands.