Pangungunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang pagpupulong sa Martes, kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG), at Metro Manila Development Authority (MMDA) kaugnay sa gagawing paghahanda ng gobyerno, partikular ang mga lokal na pamahalaan, laban sa pagbabaha sa Metro Manila na inaasahan nang idudulot ng La Nina.
“Seryoso nating pinaghahandaan ang pagdating ng La Niña bago pa man ito makaapekto sa ating bansa. Itinaas na ng PAGASA ang alarma kung kaya mahalaga ang ating pagkakaisa at agarang aksyon upang maprotektahan ang ating mga komunidad sa posibleng pagbaha,” sabi ni Romualdez.
“Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DPWH, DENR, DILG, at MMDA, at siyempre ng ating mga local government official, atin pong pinalalakas ang ating mga hakbang sa paghahanda at pag-iwas sa mga sakuna upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino,” ani Romualdez.
“Kailangang mahigpit ang ugnayan ng national government at mga local government unit para maipatupad ang mga aksyon sa malawakang paghahanda na gagawin natin,” saad ni Romualdez.
“Ang utos sa atin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay gawin ang lahat ng nararapat para tiyakin na ligtas sa kapahamakan ang mga komunidad at ang bawat pamilyang Pilipino,” dagdag pa ng leader ng mahigit 300 kongresista.