Pinatawan ng anim hanggang walong taong pagkakakulong ng Sandiganbayan Third Division si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Nur Misuari at anim na iba pa sa kasong graft kaugnay sa maanomalyang pagbili ng P77 bilyong information technology package noong 2000-2001.
Sinabi ng Sandiganbayan Third Division na “guilty beyond reasonable doubt” si dating ARMM at chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) Nur Misuari sa two counts of graft kasama ang anim na iba pa dahil sa anomalous deal sa information technology package na nagkakahalaga ng P31 bilyon noong 2000 at P46.2 bilyon noong 2001.
Absuwelto naman ang grupo ni Misuari sa kasong malversation of public funds, ayon sa desisyon ng anti-graft court dahil sa kakulangan ng merito sa kaso.
Bukod sa parusang pagkakakulong mula anim hanggang walong taon, pinagbawalan na rin ng Sandiganbayan si Misuari at anim na kasamahan nito na maitalaga sa ano mang posisyon sa gobyerno.
Bagamat no-show si Misuari sa promulgation, binasa ang hatol ng Sandiganbayan laban sa kanyang grupo sa pamamagitan ng isang video conference.