Pasok na ang ikatlong Pinoy weightlifter na si Vanessa Sarno sa 2024 Paris Olympics matapos magwagi sa women’s 71kg event ng International Weightlifting Federation (IWF) World Cup sa Phuket, Thailand nitong Linggo, Abril 7.
Isa sa mga huling atleta si Sarno mula sa Philippine delegation na lumaban at nanalo sa women’s 71kg division. Nanguna siya sa Group B na may kabuuang lift na 245kg — 110kg sa snatch, at 135kg sa clean-and-jerk.
Pagkatapos sumabak sa Group A ng 71kg weight class, sapat na ang output ni Sarno para mapanatili ang kanyang ikalimang puwesto sa IWF Olympic Qualification Ranking, kung saan tanging ang nangungunang 10 weightlifters sa bawat kategorya ang makakakuha ng mga tiket sa Summer Games.
Kasama na ngayon ni Sarno sina John Ceniza at Elreen Ando bilang mga kinatawan ng weightlifting ng Pilipinas sa Paris.