Sa isang forum, sinabi ni Philippine National Railways (PNR) Chairman Michael Ted Macapagal nitong Miyerkules, Abril 3, na isa sa mga opsyon ng PNR ay humingi ng tulong sa gobyerno para ma-subsidize ang pasahe sa bus matapos itigil ang biyahe ng trains sa Metro Manila area.
”Ito pong naging usapan namin with LTFRB, gamitin na lang yung matrix ng pinakamababang pamasahe that is available. Mag-uumpisa yan ng P15 tapos matatapos ng P150-P250 depending on the distance,” pahayag ni Macapagal.
Sa ngayon, ani ni Macapagal, ginagamit nila ang pinakamababang bus fare matrix na makukuha mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“If we will take it further, ihihingi natin to ng subsidy sa national government, this will have to go to the chain of command,” saad pa ni Macapagal.
“Merong nag-complain na 1 o 2 na umalis yata 40 minutes hindi 30 minutes. Sabi ko lets stick sa 30 minutes… Sabi nung team manager nung bus company, ‘Sir konti pa lang ang pasahero kaya nadelay ng 40 minutes, hinintay na dumami.’ Ang sabi nila, ‘Okay sir, we will continue na every 30 minutes may dadaan’,” dagdag ni Macapagal.
Ayon kay Macapagal, bukod sa pagkakaroon ng augmentation buses, pinag-aaralan din nila ang posibilidad na makakuha ng serbisyo ng UV Express, na mas maliit kumpara sa mga bus, at hindi na kailangang magdulot ng traffic.