Alam ninyo ba na ang karamihan sa may “clubfoot,” isang physical condition na tinatawag na “kapingkawan sa paa,” ay maaaring maiwasto pa? Ano nga ba ang kapingkawan sa paa?
Ito ay kondisyon ng mga sanggol kung saan ang parehong paa ay nakapaloob ang mga buto at laman, na karaniwan na ang kanilang “achilles tendon” ay maliliit kaya nagiging patulis ang hugis ng kanilang mga paa o ang mga buto ng kanilang mga kasu-kasuan. Maaari ring hindi rin angkop ang bawa’t paa sa isa’t isa.
Ano ang sanhi ng kapingkawan? Maaaring namamana ang kapingkawan sa mga magulang, ayon sa mga eksperto. Kumbaga, ito rin ay posibleng isang “genetic problem.”
Sinabi ni Chi Vallido, executive director ng Philippine NGO Council on Population, Health and Welfare, umabot na sa 4,780 ang kabuuang bilang ng kanilang mga natulungan sa pamamagitan ng Philippine National Clubfoot Program kaagapay ang MiracleFeet na nakabase sa Estados Unidos.
Aniya, ang kapingkawan ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng paglagay ng casting, o kaya ay minor operation na tinatawag na tenotomy, at ang paggamit ng espesyal na sapatos o braces upang maituwid ang kapingkawan.
Nanawagan si Vallido ng suporta sa kanilang kampanya sa pagtulong sa mga batang may kapingkawan sa paa.
“Kailangan namin ang tulong ng mamamayan at iba’t ibang sektor para magkaroon ng mas malawak na kaalaman sa kapingkawan sa paa,” sabi ni Vallido.
Ayon kay Vallido, meron isa sa bawat 700 sanggol na isinilang ng may kapingkawan sa paa sa Pilipinas.
Sinabi ni Vallido na sa may lagpas na 4,000 bata na natulungan ng kanilang ahensya at halos 78 porsiyento dito ay mga sanggol na may edad na hindi hihigit sa 12 buwan.
Base sa datos ng MiracleFeet, ang bilang ng mga bata na may clubfoot case sa bansa na kanilang natulungan ay nasa 25 porsiyento lamang.
“Dalawa lang ang ibig sabihin nito. Una maaaring sa iba sila nagpapagamot at hind isa aming mga partner clinics at hospitals o baka hindi na nagpapagamot ang mga bata na ito,“ sinabi ni Vallido.
Nakakalungkot ang huling scenario, sinabi ni Vallido, na dahil dito ay maaaring lumaki ang mga bata may may pisikal na kapansanan na puwede naman magamot at gumaling kung agad na bigyan ng atensiyon.
Sinabi din ni Vallido na ang kanilang tanggapan ay handang makipagugnayan sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) upang ipaalam ang kanilang programa para sa indibidwal na may clubfoot. “Halimbawa, puwede ma-cover ang casting procedure pero isang beses kada tatlong buwan ngunit sa kaso ng clubfoot, ang casting ay nangyayari linggo-linggo sa loob ng 4-8 linggo,“ saad ni Vallido.
Malaki ang aming pasasalamat ng Philippine NGO Council on Population, Health and Welfare, National Institutes of Health (NIH) at ang Newborn Screening Center sa pangunguna ni Dr. Carmencita Padilla at ni Dr. Juanito Javier ng UP-PGH sa pagtulong at sa kanilang advokasiya na maisama sa newborn screening ang clubfoot, ayon kay Vallido.
Nananawagan din ang Philippine NGOC sa mga lokal na pamahaalaan na tumulong para matukoy ang mga kaso ng clubfoot sa kani-kanilang lugar para mabigyan sila ng karampatang medical attention at mabuhay ng normal tulad ng iba.
Ulat ni Thelma Gecolea