Binalaan ng Department of Science and Technology (DOST) nitong Lunes, Marso 4, ang publiko laban sa salmonella, matapos lumabas sa datos na ang bacteria ay kumitil na ng buhay ng halos 50 katao sa Pilipinas noong 2023.
Nakapagtala ang Pilipinas ng 13,000 kaso ng salmonella mula Enero hanggang Agosto 2023, na 43 porsiyentong pagtaas mula sa mga naitalang kaso noong 2022, sabi ni Homer Pantua, isang DOST scientist na dalubhasa sa immunology at virology.
“Ang epekto nito sa hayop ay nagkaroon ka ng decrease in productivity. Sa tao, isang public health concern ito,” sabi ni Pantua.
“Nagkakaroon ng gastrointestinal disorder katulad ng diarrhea, abdominal cramps at saka tinatawag na lagnat,” ani pa ni Pantua.
Karaniwang pumapasok ang salmonella sa katawan ng isang tao kapag nakakain siya ng pagkain na kontaminado ng bacteria.
“Nakukuha ito kalimitan sa mga itlog, sa mga hindi nalutong pagkain. Puwede itong manggaling sa food chain natin… lalo na kapag hindi processed ng maayos,” dagdag pa ni Pantua.