Kumpiyansa si Maj. Gen. Nicolas Torre II, hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na hindi magtatagal ay maglalabas na ang International Criminal Police Organization (Interpol) ng red notice laban kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na kasalukuyang nasa Europe.

“They are still in the process of evaluating the request. Pero we are very confident… routine naman ‘yan at napakasimpleng case lang ‘yan… because there’s no question na meron ng valid warrant from the Philippine court,” sabi ni Torre.

Sa panayam ng One Balita Pilipinas noong Martes, Mayo 27, sinabi ni Torre na malaking bagay ang ginawang pagkansela ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pasaporte ni Roque na nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa Angeles City Regional Trial Court (RTC).

Si Roque, kasama ang 50 iba pang indibidwal, ay inisyuhan ng RTC ng arrest warrant dahil sa diumano’y kanilang kaugnayan sa Lucky South 99, isang pinaghihinalaang illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) hub na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong nakaraang taon dahil sa scamming at s3x trafficking operations.

Naniniwala rin ang CIDG chief na hindi papaboran ng Dutch government ang hiling ni Roque na political asylum.

“Aba’y abogado siya. Naiintindihan niya ‘yan kung ano ang political persecution. Hindi siya pini-persecute ng bansa natin kundi siya ay hinahabol sa kanyang mga ginawa na may mga complainant,” paliwanag ni Torre.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *