Inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa ginanap na joint press conference noong Lunes, Mayo 26, na magdadagdag sila ng 100 bus units bilang intevention sa traffic issue na dulot ng EDSA rebuild project na sisimulan sa Hunyo 13.

“Ang isa sa mga utos ng Pangulo ay kailangan yung busway, (ang EDSA) Carousel ay tuloy-tuloy at dedicated ‘yan kahit na ni-re-rebuild natin ang EDSA,” saad ni Dizon.

Ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang nasa 200,000 na mga commuters na sumasakay sa mga EDSA Carousel bus at sinabing hindi sila dapat maantala.

“Kasi nga ang priority ng Pangulo ‘yung daang libo—may almost 200,000 commuters na gumagamit ng busway araw-araw. So kailangan hindi ma-disrupt ‘yon,” wika ni Dizon.

Sinabi niya rin na uunahin umano ang busway lane dahil ito ang inner lane, ngunit nilinaw din niya na magpapatuloy lamang ang operasyon nito. “The busway will remain, and it will be dedicated, kapareho lang ngayon, uurong lang siya initially dahil nga ang inner lane ang uunahin.”

Ulat ni Jilliane Libunao