Iniulat ng Department of Transportation (DOTr) na ilang ambulansiya ang natiketan ngayong Lunes, Marso 4, matapos gamitin ang exclusive EDSA bus lane kahit walang sakay na pasyente.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), hinuli at inisyuhan ng traffic violation ticket ng mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang ilang mga ambulansiya na dumaan sa EDSA bus lane bagamat walang sakay na pasyente.
Gamit pa umano ng mga ambulansiya ang wang-wang at blinkers nang pumasok sa exclusive bus lane sa bandang Ortigas area sa kasagsagan ng trapik sa lugar.
Ito ay nangyari isang linggo matapos ang pagpupulong ng DOTr at Department of Health (DOH) upang masugpo ang naglipanang kolorum na ambulansiya na kadalasan ay lumalabag sa batas trapiko.
Paalala ng DOTr: Tanging ang mga sasakyan ng limang pinakamataas na opisyal ng gobyerno at marked emergency vehicles na reresponde ang maaaring gumamit ng EDSA bus lanes.