Mariing kinondena ni Makati City Mayor Abigail ‘Abby’ Binay ang diumano’y pagkandado ng mga tauhan ng Taguig City government ng gate ng Makati Park nitong Linggo, Enero 3 kung saan nakulong sa loob ng liwasan diumano ang ilang kawani ng Makati.
“Sa pagpapakita ng labis na pwersa, malinaw na gustong manakot ng Taguig. Ngunit hindi magpapasindak ang Makati. Hindi namin uurungan ang isang bully,” pahayag ni Makati City Mayor Abigail Binay.
Ayon sa ulat, isinara ang Makati Park ng Taguig dahil sa kawalan umano ng business permit.
“Dumating ang mga kalalakihang may takip ang mga mukha at ikinandado ang gate ng park. Maraming kawani ng pamahalaang lungsod ng Makati ang nananatiling nakakulong sa loob ng park. Hinarangan din nila ang lahat ng mga entrance ng park, naglagay ng mga barikada, at nag-deploy ng nasa 100 Taguig personnel upang palibutan ang buong paligid ng park,” ayon kay Mayor Abby.
“Ngunit sa paggigiit ng Taguig na kailangang kumuha ng Makati ng permit para sa park, kinukumpirma nito na ang park ay pagmamay-ari nga ng Makati. Taliwas ito sa mga nauna nilang pahayag, ngunit hindi na ito nakapagtataka dahil nakagawian na ng Taguig ang pagpapaikot ng batas at baluktot na pag-iisip,” dagdag ng alkalde.