Hiniling ng Department of Transportation (DOTr) sa mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpapupuslit sa bansa ng dalawang Bugatti Chiron hyper cars na nagkakahalagang P170 milyon upang sila ay mapanagot sa batas.
Sa isang liham na may petsang Pebrero 29, 2024, hiniling ni DOTr Secretary Jaime Bautista kay NBI Director Merardo de Limos na pangunahan ang imbestigasyon laban sa mga may-ari ng dalawang Bugatti Chiron na sinasabing gumamit ng Chinese names.
Bagamat sinasabing mga smuggled units, nakuha pa rin, aniya, ng mga owners na maiparehistro ang kanilang Bugatti sa Land Transportation Office (LTO).
Ang dalawang Bugatti ay nabawi ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa magkahiwalay na bahay sa isang exclusive subdivision sa Alabang, Muntinlupa City, kamakailan.
Ayon kay Bautista, lumitaw sa imbestigasyon ng LTO-National Capital Region na may ginawang hokus pokus sa mga dokumento ng dalawang sasakyan kaya ito naiparehistro sa ahensiya.