Arestado ang isang illegal recruiter sa ikinasang joint entrapment operation ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB) at Mandaluyong City Police.
Kinilala ni DMW officer in charge Hans Leo Cacdac ang suspek na si Marjorie Almarez, 33, ng Novaliches, Quezon City. Inaresto ang suspek sa aktong tinatanggap ang “boodle money” mula sa complainant na pinangakuan niya ng trabaho bilang fruit picker sa Japan na may buwanang sahod na P77,000.
Ang modus na ito ay pinagbigay alam agad ng complainant sa DMW-MWPB matapos makita ang transaksiyon ng suspek habang tinatanggap ang bayad ng isang biktima at doon ay inalok din siya ng trabaho sa Japan.
Kinumpirma ng complainant na ang pangalang ibinigay sa kanya ng isa sa mga suspek ay hindi lisensyado ng DMW para mag-alok ng trabaho sa ibang bansa.
Batay sa reklamo, nangako ang suspek na papaalisin siya ng papuntang Japan kung
magbabayad ito ng halagang P13,500 bilang downpayment para sa “marketer’s fee” at “processing fee” ng kanyang Certificate of Employment, e-Registration account, Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS) certificate, medical examination, at Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) certificate.
Kasalukuyang nakakulong sa CIDG detention facility sa Camp Crame ang suspek at nahaharap sa kasong illegal recruitment at estafa. (Photo courtesy of Department of Migrant Workers)