Inaasahang bababa ang presyo ng well-milled rice sa P44 hanggang P46 kada kilo sa mga susunod na linggo kasunod ng pagbaba ng presyo ng bigas sa international market, sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules, Pebrero 21.
“Hopefully, patuloy na bumaba yung presyo sa international market and it will have an impact doon sa parating na imported rice. Babalik ‘yan sa range na P44 hanggang P46 na presyo ng well-milled rice,” ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa.
Naobserbahan din ng Samahang Industriya sa Agrikultura (SINAG) ang pagbaba ng presyo sa ibang bansa, kung saan bumaba ang presyo ng bawat metrikong tonelada ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino mula $612 (P34,24K) hanggang $580 (P32,45K).
Mas mataas ang pagtatantya ni SINAG chairman Rosendo So sa presyo ng bigas sa mga susunod na linggo.
“‘Yung local harvest natin ng palay na dati ang presyo nasa P26 ngayon bumaba ng P24. Equivalent nu’n is more or less nasa P47 to P48 na bigas,” sabi ni So.