Inaprubahan na ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang bagong pagtaas sa singil sa air fare ng mga commercial airlines kasabay ng pagpasok ng summer season at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Airlines wishing to impose or collect fuel surcharge must file its application with CAB on or before the effectivity period, with fuel surcharge rates not exceeding the above-stated level,” ayon sa kalatas ng CAB.
Sa isang advisory, sinabi ng CAB na ang mga passenger at cargo fuel surcharge para sa domestic at international flights ay base sa Level 6 na mula Marso 1 hanggang 31, mula sa Level 5 nitong Pebrero.
Sa ilalim ng Level 6 ng passenger fuel surcharge matrix, maaaring kumolekta ang mga airlines ng fuel surcharge mula P185 hanggang P665 para sa domestic flights at P610.37 hanggang P4,538.40 para sa international flights.
Samantala, pinayagan ng CAB ang mga airlines na maningil ng cargo fuel surcharge mula P0.95 hanggang P2.78 kada kilo para sa domestic flights sa ilalim ng Level 6; at P3.14 hanggang P23.33 kada kilo para sa international flights.