Pinapayuhan ang mga biyahero na dumating tatlong oras bago ang kanilang international flight at dalawang oras bago ang domestic flights dulot ng inaasahang pagdagsa ng 1.35 milyong tao sa paliparan ngayong Undas, ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC).
Ayon sa NNIC, inaasahan ang pagsipa sa 1.35 milyon ang bilang ng mga biyahero simula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3, kumpara sa 1.3 milyong pasahero noong nakaraang taon.
Matatandaang idineklara rin ng Malacañang bilang special non-working days ang Oktubre 31 (Biyernes) at Nobyembre 1 (Sabado), bilang bahagi ng paggunita sa All Saints’ Day.
Samantala, tiniyak ng NNIC ang mahigpit na koordinasyon nito sa Manila International Airport Authority (MIAA), Department of Transportation (DOTr), Office for Transportation Security (OTS), Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-ASG), Bureau of Immigration (BI), at Bureau of Customs (BOC) para matiyak ang sapat na tauhan at serbisyo sa lahat ng terminal.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
