Patay ang isang senior citizen habang 52 iba pa ang sugatan matapos bumigay ang ikalawang palapag ng Parokya ni San Pedro Apostol sa San Jose del Monte, Bulacan ngayong Miyerkules, Pebrero 14, ng umaga.
Sinabi ng ulat na isang senior citizen ang nasawi habang ginagamot sa ospital dakong ala-1 ng hapon dahil sa tinamo nitong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos madaganan ng semento at kahoy mula sa gumuhong flooring sa ikalawang palapag.
May dalawa pang biktima ang nasa kritikal na kondisyon sanhi ng multiple bone fracture na kanilang tinamo, ayon sa ulat.
Ayon sa local disaster response officials, karamihan sa mga sugatang biktima ay dinala sa limang ospital na malapit sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at lahat ng mga ito ay mga outpatient.
Sinabi sa report na dakong alas-8:00 ng umaga nang bumigay ang ikalawang palapag ng Parokya ni San Pedro Apostol sa Barangay Tungkong Mangga kaya maging ang mga parokyano na nasa ground floor ay nadamay sa insidente.
Naganap ang insidente habang dumadalo sa misa ang mga nanampalataya para sa Ash Wednesday.
Kasalukuyan, nilagyan na ng kordon ng mga disaster response officials ang paligid ng simbahan upang hindi na makapasok ang mga usisero habang nagsasagawa ng inspeksiyon ang mga building officials ng lokal na pamahalaan.
Ayon din sa report, sinagot ng lokal na pamahalaan ang gastusin sa ospital ng mga biktima na nagtamo ng minor injuries.