Binatikos ng mga miyembro ng Cebu City Council si Cebu City Mayor Raymond Alvin Garcia dahil sa umano’y maling paggamit ng calamity funds matapos mamahagi ng bigas sa mga barangay na hindi apektado ng kalamidad.
Batay sa ulat ngayong Martes, Marso 25, ibinunyag ni North District City Councilor Mary Ann delos Santos ang diumano’y hindi maayos at kuwestiyunableng pamamahagi ng bigas, na pabor umano sa partido ni Mayor Garcia.
Ayon kay Delos Santos, ang naturang bigas ay bahagi ng 166,600 sako na binili noong Nobyembre 2024 mula sa A1Milling Corporation sa halaga na mahigit P49 milyon.
Ang pondo para sa pagbili ng bigas ay kinuha mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) Relief and Recovery Fund, na esklusibong inilaan para sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.
Gayunpaman, ang bigas ay ipinamigay umano sa iba’t ibang barangay sa lungsod tulad ng Duljo-Fatima, Basak Pardo, at Quiot Pardo, na hindi kabilang sa mga apektadong lugar.
Sa isang press conference, nilinaw naman ni Garcia na ang pamamahagi ng bigas ay hindi dahil sa deklarasyon ng state of calamity kundi bahagi ng social services ng lungsod.
Iginiit din niya na ang pondo para sa pagbili ng bigas ay nagmula sa Department of Social Services at hindi mula sa Relief and Recovery Fund ng LDRRMF.
Ulat ni Britny Cezar