Nakapiit na sa Kamara de Representantes sa Quezon City si Bauan, Batangas Mayor Ryanh Dolor matapos arestuhin ngayong Huwebes, Marso 27, pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City mula sa Amerika, sa bisa ng contempt at detention order ng House panel dahil sa paulit-ulit na pang-iisnab sa mga pagdinig.
Kinumpirma ni House Sergeant-at-Arms retired police Major General Napoleon Taas ang pagkakakulong Dolor sa Batasan Pambansa sa Quezon City, matapos arestuhin pagdating niya sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City bandang 12:08 ng umaga ng Huwebes, Marso 27.
Dumating si Dolor, 45, sakay ng Philippine Airlines flight PR 113 mula sa Los Angeles, California, at ginawa ang pagdakip sa alkalde ng puwersa ng Office of the House Sergeant-at-Arms, sa pakikipag-ugnayan sa House of Representatives Liaison Officer, Airport Police, Criminal Investigation and Detection Office (CIDG), at Bureau of Immigration.
Sa contempt at detention order, nakasaad na nilabag ni Dolor ang Section 11, Paragraph A ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation, na tumutukoy sa pagtanggi niyang dumalo sa pagdinig nang walang legal excuse.
Matatandaang paulit-ulit na hindi sinipot ni Dolor ang mga pagdinig ng House Committee on Public Accounts kaugnay ng imbestigasyon sa pagsasapribado ng Bauan Waterworks System (BWS)—inisnab niya ang tatlong imbitasyon ng komite, isang show cause order, at isang subpoena.