Bilang pagtugon sa payo ng Department of Health (DOH), magsasagawa ng temporary mass burial bukas, Pebrero 14, para sa mga hindi pa nakikilalang bangkay na nahukay mula sa landslide area sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.
Ito ang inihayag ni Davao de Oro executive assistant on information and communication Edward Macapili.
Paliwanag ni Macapili, kailangan nang mailibing ang mga bangkay dahil nangangamoy na ito at posibleng maging banta sa kalusugan ng mga rescuers.
Sa ngayon aniya, umabot na sa 71 ang na-recover na patay sa trahedya . Kinabibilangan ito ng 67 complete bodies at apat na bahagi ng katawan.
Paliwanag ni Macapili, ang complete bodies ay binubuo ng lower at upper extremities habang ang body parts ay bahagi lamang ng katawan ng tao na nahukay tulad ng kamay, paa o hita.
Kasabay ng pagsasagawa ng search and retrieval mula sa dating search and rescue operation ay isasagawa din ang temporary mass burial sa 17 unidentified bodies bukas.
Dalawa aniya ang lugar na pinagpipilian kung saan ililibing ang mga bangkay – Barangay Elizalde at Barangay Mawab – kung saan naroroon ang mga punerarya.
Ulat ni Baronesa Reyes