Sa panayam ng Pilipinas Today, sinabi ni F-Jhay Isanan mula Antipolo na nagtatrabaho ang kanyang ama bilang security guard habang ang kanyang ina naman ay isang housewife. Kaya nagsumikap siyang mag-aral dahil ito ang naipangako sa kanyang mga magulang na magsusumikap siya para matustusan ang mga pangangailangan sa kanilang tahanan.
“Walang imposible basta alam mo lahat ng limitasyon sa lahat ng bagay, libre lang mangarap kaya hanggat kaya natin, mangarap lang tayo ng mangarap,” ayon sa netizen na si F-Jhay Isanan ng Antipolo City.
Ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, si F-Jhay ay aktibong nakilahok sa iba’t ibang paligsahan at organisasyon sa kanyang paaralan, kaya lalong nagdagdagan ang kanyang kaalaman at kakayahan. Ang lahat ng ito ay nagbunga nang siya ay nagtapos ng may academic honors habang siya ay nasa junior at senior high level sa San Jose National High School.
Nagpasya si F-Jhay na magtrabaho bilang service crew sa isang fast-food restaurant sa umaga, at pumapasok sa eskuwelahan sa hapon hanggang gabi sa loob ng apat na taon para may pangtustos kanyang pag-aaral at makatulong din sa kanyang pamilya.
Nagtapos si F-Jhay noong Agosto 30, 2023, na may kursong BSBA Major in Marketing Management bilang Magna Cum Laude at Scholar Graduate Awardee sa Rizal Technological University (RTU).
Nagtatrabaho siya ngayon bilang assistant manager ng isang realty company at tinutulungan niya ang kanyang ama na magbayad ng tuition ng kanyang mga kapatid.
“Congratulations on your well-deserved success, F-Jhay! Remember that your outstanding milestone is not just a celebration of your academic excellence, but also a celebration of all your diligence and persistence, setbacks and triumphs, and everything in between,” sabi ni Mayor Jun Ynares.