Todo depensa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga batikos hinggil sa paggamit nito ng Presidential helicopter sa kanyang pagdalo sa concert ng British rock band Coldplay sa Philippine Arena nitong Biyernes, Enero 19, habang ang mga ordinaryong mamamayan na nagtungo sa lugar ay nagdurusa sa matinding traffic.
“To have somebody like Coldplay, you cannot miss it. Unmissable dapat ‘yun [It should be unmissable]. You cannot miss. It was just fantastic,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Aminado si Marcos na siya ay isang “music lover” at hindi basta-basta niya palalagpasin ang isang bonggang concert tulad ng ipinamalas ng Coldplay sa Philippine Arena.
“Ask anybody who attended the concert, ibang klase na. Hindi na ‘yung concert na pinupuntahan namin dati. Ngayon iba na. The show they put was spectacular,” dagdag niya.
Ikinatuwiran ni Presidential Security Group (PSG) chief Maj. Gen. Nelson Morales na ang paggamit ni Marcos at First Lady Lisa Araneta Marcos ng presidential chopper ay upang maprotektahan sila laban sa “potential threat” kung sila ay makikipagsabayan sa matinding traffic patungo sa Coldplay concert.