May kabuuang 1,692 aftershocks ang naitala sa ilang bahagi ng Caraga region matapos tumama ang magnitude 7.4 na lindol sa baybayin ng Hinatuan, Surigao del Sur, nitong weekend, ayon sa Phivolcs ngayong Lunes, Disyembre 4.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong umaga na ang magnitude ng aftershocks ay mula 1.4 hanggang 6.6.
“‘Yung dahilan ng aftershocks natin naga-adjust pa ‘yung mga bato. So habang naga-adjust pa siya hindi pa stable so nagpo-produce ‘yan ng lindol na tinatawag natin na aftershocks,” sinabi ni PHIVOLCS director Teresito Bacolcol.
“Kung nasa evacuation centers sila, manatili muna, and consult civil engineers kung safe na bang pumasok sa mga bahay nila. Kasi kung may visible cracks o visible damage, baka kung hindi ito gumuho during the main shock, kapag may malakas tayong aftershock ay baka mag-collapse ito,” dagdag ni Bacolcol.