Itinaas na sa red alert status ang buong pwersa ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng Armed Forces of the Philippines kasunod ng malakas na lindol at madugong pagsabog sa lugar nitong weekend.

Inatasan na rin ni EastMinCom commander Lt. Gen. Greg T. Almerol ang lahat ng unit ng AFP na paigtinging ang kanilang operasyon upang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol at protektahan narin ang kanilang nasasakupan dahil sa naganap na pagsabog sa Mindanao State University (MSU) nitong Linggo.

Sa Davao City, hinigpitan na ng anti-terrorism unit na Joit Task Force Haribon ang seguridad kasunod ng pagsabog sa MSU na kumitil sa buhay ng apat na indibidwal at ikinasugat naman ng maraming iba pa.

Mahigpit din ang isinasagawang checkpoint operation ng Task Force sa mga entry points , bus boarding operations at patuloy ang pagsasagawa ng foot at water patrols sa lugar. Dinagdagan narin ang troop visibility sa mga matataong lugar sa tulong ng Davao City Police Office.

Samantala, nakaantabay din ang 30 Humanitarian Assistance and Disaster Response (HARD) para tumulong sa local government unit ng Hinatuan, Surigao del Sur sa paghahatid ng tulong sa mga biktima ng 7.4 magnitude na lindol.

Batay sa pinakahuling ulat na natanggap ng Eastmincom, apektado ng lindol ang maraming lugar sa Caraga at Davao Regions kung saan 16 na paaralan, 543 bahay, 38 gusali at apat na tulay ang napinsala. Umabot din sa 13,401 pamilya na binubuo ng 61,791 indibidwal ang naapektuhan, tatlo ang nasawi at 14 ng nasugatan.

Ulat ni Baronesa Reyes