Naipamahagi na ng Office of Civil Defense (OCD) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 511 non-food items nitong Nobyembre 22 para tulungan ang mga residente ng Sarangani, Davao Occidental, na malubhang naapektuhan ng 6.8 magnitude na lindol noong Nobyembre 17.
Ayon sa ulat ng OCD at DSWD-Davao, may kabuuang halaga na P2,249,382.27 ang naipaabot na tulong sa mga biktima ng lindol sa rehiyon.
Pinangasiwaan ng Philippine Coast Guard District Southeastern Mindanao (PCG-Southeastern Mindanao) at Naval Forces Eastern Mindanao ang paghahatid ng tulong, habang pinangunahan naman ni Assistant Secretary for Operations Hernando Craig ang pagbisita sa quake-devastated sites.
Siyam ang nasawi sa lindol, 13 ang nasugatan, at 348 pamilya, o 1,502 indibidwal, ang nagsilikas mula sa 38 barangay sa Davao Occidental.
Nasa 129 na imprastruktura ang napinsala sa Davao Occidental, walo sa Davao City, 19 sa Davao del Sur, 22 sa Davao del Norte, at anim sa Davao Oriental, ayon pa sa OCD.
Ulat ni Henry Santos