Naniniwala si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio M. Balisacan na bababa ang poverty incidence rate ng basa sa 9% pagsapit ng 2028.
Sa ulat ng Businessworld Online, iginiit ni Balisacan na tama ang tinatahak ng kasalukuyang administrasyon sa usapin ng economic development, base sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ikalawang State-of-the-Nation (SONA) address nito noong Hulyo 24.
“I think given the recent developments and economic data we’ve seen, we are definitely on track,” saad ng kalihim.
Mula sa 16.7% na naitala noong 2018, pumalo ang poverty incidence ng Pilipinas sa 18.1% noong 2021, o katumbas na 19.992 milyong Pinoy ang nabubuhay sa poverty line, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Tinutukoy sa poverty incidence statistics ang bilang ng mga Pinoy na kumikita nang mababa sa per capita poverty treshold mula sa buong papulasyon.
Base sa Philippine Development Plan, puntirya ng gobyerno na mabawasan ang poverty incidence rate sa 16.4% ngayong taon, 13.2% sa 2025, at 9% sa 2028 hanggang sa magkakaroon na lamang ng middle-class society at wala nang maralitang pamilya pagsapit ng 2040.
Binigyang-diin din ni Balisacan ang tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya na magiging susi ng administrasyong Marcos upang maisakatuparan ang poverty reduction target nito.
“The requirements are we keep our growth target. We make that growth inclusive by ensuring that everyone benefits from that growth, even those who are suffering from shocks,” aniya.
Ngayong taon, target ng gobyerno na lumago ang gross domestic product (GDP) mula 6 hanggang 7 porsiyento, at sa pagsapit ng 2024 hanggang 2028 dapat ay nasa 6.5 hanggang 8 porsiyento na ito.
At kapag nangyari ito, tiniyak ni Balisacan na maraming malilikhang trabaho na makatutulong sa mga mamamayan upang makaahon sa kahirapan.