Dismayado si Senator Cynthia Villar na tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform sa pagiging kulelat ng bansa pagdating sa agrikultura.
Sa naging pagdinig ng Senado sa panukalang 2024 budget ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes, Oktubre 24, binanggit ng senador na talung-talo na tayo mga kalapit-bansa pagdating sa industriya ng pagsasaka at pangingisda, bagay na malayung-malayo sa katayuan ng Pilipinas mahigit 60 taon na nakararaan.
“Alam mo, nung araw, tayo ang pinakasikat. Pero ngayon, talung-talo tayo. Iyong mga articles na nari-read ko, talo na tayo ng Vietnam. Talo na tayo ng Thailand. Tayo, talo na tayo ng Indonesia. Bakit? Bobo ba tayo na tatalunin tayo ng lahat? O mahilig lang tayong mag-import kaya hindi natin nade-develop ang ating sarili?” ani Villar.
Sinabihan din ng mambabatas ang mga opisyal ng DA na baguhin ang kanilang “mentality” o pag-iisip para makahabol ang Pilipinas sa pag-unlad ng ibang bansa pagdating sa agrikultura.
“Alam mo, baguhin ninyo ‘yung ano n’yo, inyong pag-iisip. Hindi na tayo importation – developmental tayo [dito] sa Pilipinas. I-develop natin [ang sariling atin],” bigay-diin ni Villar.
Aniya pa, hiyang-hiya siya kapag nakababasa ng mga artikulo na nangungulelat na ang Pilipinas pagdating sa sektor ng pagsasaka at pangingisda.