Makatitipid nang hanggang ₱300 milyon taun-taon ang mga bayan at siyudad sa Pilipinas sa pagtatapon ng kanilang mga basura kung mamumuhunan lamang ito sa composting machines.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2024 budget ng Department of Agriculture at mga ahensiya sa ilalim nito, ibinida ni Senator Cynthia Villar ang naging tagumpay ng kanyang composting project sa kanilang lungsod sa Las Piñas kung saan nakatitipid sila ng hindi bababa sa ₱300 milyon, taun-taon sa waste management sa pamamagitan lamang ng paggawa ng organic fertilizer mula sa kitchen at garden wastes.
“At alam n’yo ba, sa aming bayan, we save 300 million [pesos] a year para sa pagtatapon ng basura dahil inire-recycle namin iyong aming waste. Biruin ninyo, 300 million a year, isang bayan lang. Kaya ako, gusto kong gawin yan ng lahat ng bayan sa Pilipinas,” ani Villar.
Puna ng senador, patuloy ang nagiging pag-angkat ng bansa ng chemical fertilizer na napakamahal at napakagastos pa.
“Kaya panay ang pakiusap ko na imbes ibili natin ng chemical fertilizer, na lahat iniimport natin, kasi the only chemical fertilizer company dito sa Pilipinas, sinira ng Yolanda… ‘di linisin na lang natin ang ating kitchen and garden waste, gawin nating organic fertilizer. At libre, libre sa mga farmer natin,” dagdag ni Villar.
Aniya, pangarap niya na darating ang araw, hindi na mag-iimport ang bansa ng chemical fertilizer kundi gagamit na lamang ang mga magsasaka at urban gardeners ng organic fertilizer na mas nakapagpapabuti pa ng soil health.