Matapos ang kaniyang kontrobersyal na “pagsabon” sa isang fan, muling humataw si Lea Salonga sa Broadway, ngayon hindi lamang bilang artista kundi bilang producer ng pinag-uusapang all-Filipino cast musical na ‘Here Lies Love,'”‘ na halaw sa buhay ni dating First Lady Imelda Romualdez Marcos.
First time sa kasaysayan ng Broadway na nagkaroon ng magarbong produksiyon na puro Pilipino ang gaganap.
Kasama sa cast sina Arielle Jacobs bilang Imelda, si Lea bilang Aurora Aquino, ang nanay ni Ninoy, Jose Llana bilang Ferdinand Marcos Sr., at Conrad Ricamo, bilang Ninoy Aquino.
Ayon kay Lea, na gumaganap na nanay ng pinaslang na senador at kritiko ng diktaduryang Marcos na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., hinggil sa pagiging all-Filipino cast ng ‘Here Lies Love,'”‘ pakiramdam niya na may inumpisahan silang maganda sa makulay na mundo ng Broadway, ang sentro ng teatro sa US.
“It feels like, oh my Gosh! We feel like we’re pioneering something,” ani Lea sa live interview sa kanya ng ABC News kamakailan. “I don’t think that there’s ever been an all ‘blank’ on Broadway before. Like in, all Japanese cast, all Chinese cast. So this is something that I’m hoping that other people of color can look upon and see, ‘Okay! This is possible. It’ll be our turn to do this next,'”‘ whenever that next time is going to be,” sabi ng Broadway diva.
Samantala, sa aspeto naman ng kasaysayan, sinabi ni Lea na tiniyak nila na ang lahat ng bahagi ng istorya ng musical ay “historically right,” at ang katotohanan hinggil sa isang pilas ng kasaysayan ng bansa ay ikuwento sa pinakamalikhaing paraan.
Sa punto naman ng kaniyang role bilang nanay ng pinaslang na si Ninoy Aquino, na naging mitsa ng EDSA People Power noong 1986, sinabi ni Lea na ang Filipino-American costume designer at producer ang nag-alok sa kaniya, kapwa ng role at maging bahagi ng producing team.
Ang ‘Here Lies Love’ ay sa konsepto ng singer-songwriter na si David Byrne, sa musika ni Fatboy Slim, choreography ni Annie-B Parson, at dinebelop at idinirehe ni Alex Timbers.
Para sa iba pang impormasyon, maaaring pumunta sa official website ng show na http://herelieslovebroadway.com .