Binati ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. ang Gilas Pilipinas sa pagkapanalo ng gintong medalya sa 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China, noong Biyernes, Oktubre 6.
“I know every Filipino is proud to be called one today. Congratulations, Gilas Pilipinas, on this incredible feat!” mababasa sa caption X (formerly known as Twitter) account ni Pangulong Marcos.
“Your hard work continues to elevate Filipino athleticism and sportsmanship to the global arena,” dagdag pa niya.
Ang tagumpay ng Gilas Pilipinas ang unang pagkakataon mula noong 1962 na ang Pilipinas ay mag-uuwi ng gintong medalya sa men’s basketball mula sa Asian Games.
Nanalo ang koponan laban sa Jordan, 70-60.
Pinangunahan ni Justin Brownlee ang Gilas na may 20 puntos kasama ang 10 rebounds at limang assist habang nagdagdag si Ange Kouame ng 14 markers at 11 boards sa matinding pagsisikap.
Nagdagdag sina Chris Newsome at Scottie Thompson ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Gilas.
Ang huling pagkakataong nanalo ng gintong medalya ang pambansang koponan sa Asian Games ay noong 1962, nang talunin nito ang China.
Ang panalo noong Biyernes ay ang unang pagkakataon din na naabot ng Pilipinas ang gold medal match mula nang manalo ng silver medal noong 1990, at unang semifinal appearance ng bansa mula nang matapos ang ikaapat na puwesto noong 2002 Asiad edition sa Busan, South Korea.
Ito ang ikaapat na overall gold ng bansa sa Asian Games matapos ang pole vaulter na sina EJ Obiena at jiu jitsu stars na sina Meggie Ochoa at Annie Ramirez.