Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalabas ng ₱13 bilyon pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA), na magkakaloob ng ₱5,000 ayuda sa bawat magsasaka.
Ayon kay Press Secretary Cheloy Garafil, ang lahat ng nasa listahan ng mga benepisyaryo sa ilalim ng RFFA ay makatatanggap ng ₱5,000 tulong pinansiyal, mula sa nalikom na pondo galing sa buwis na ipinapataw sa inaangkat na bigas noong 2022.
Layunin ng naturang ayuda na tulungan ang mga magsasaka na makaagapay sa tumataas na presyo ng farm inputs at maging ng papalapit ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Garafil, nasa 2.3 milyong nagtatanim ng palay ang natukoy bilang mga benepisyaryo ng RFFA, batay na rin sa kanilang rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), mula noong Hunyo 30, 2023.
Samantala, ayon sa Malacañang, itinuturing na “unconditional financial aid” ang RFFA na tatanggapin ng magsasakang may lupang sinasakang mas mababa sa dalawang ektarya, base sa probisyon ng Cash Assistance to Filipino Farmers Act of 2021.
Ibig sabihin, walang obligasyon ang magsasaka na bayaran ang naturang pera.