Pinaniniwalaang pinatay, pinagpira-piraso at itinapon sa loob ng septic tank sa Dorm 8, Quadrant 3 ng New Bilibid Prison (NBP) ang ilang preso na naunang napaulat na nawawala.

Ayon kay Angelina Bautista, deputy director-general for operations ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), humingi sila ng tulong sa Philippine Coast Guard (PCG) para magamit ang mga K-9 units sa paghahanap ng isang preso na naiulat na nawawala noong Hulyo 15.

Dahil dito, natukoy ng search and rescue dogs ang isang septic tank sa dalawang lugar ng Dorm 8 sa Bilibid, na pinagtapunan ng pinaniniwalaang bangkay ng nawawalang preso.

Plano nila umanong gumamit ng water pumps ng Maynilad upang maalis ang tubig sa poso negro para maiahon ang mga bangkay at agad maisalang sa forensic examination ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa ngayon, hindi pa matiyak ni Bautista kung ilang bangkay ang posibleng naisilid sa septic tank.