Naghain na ang mga kinatawan ng ACT-CIS Partylist ng isang resolusyon sa Kamara na nananawagan ng kagyat na imbestigasyon sa pagkawala at pagkamatay ng inmate na si Michael Cataroja, na nakita ang bangkay sa isang septic tank sa New Bilibid Prison.
Ayon sa House Resolution (HR) No. 1136 na inilatag nina ACT CIS Partylist Reps. Erwin C. Tulfo, Jocelyn P. Tulfo, at Edvic G. Yap, dahil tungkulin ng Kamara na suriin at repasuhin ang umiiral na mga batas, panuntunan at sirkumstansiyang nakaapekto sa kaayusan at kapayapaan ng bansa, partikular sa mga kulungan ng Pilipinas, dapat na magsagawa ang Kamara ng imbestigasyon “in aid of legislation” hinggil sa kaso ni Cataroja.
Naunang napaulat na nawawala ang 25-anyos na si Cataroja noong Hulyo 15, 2025.
Dahil dito, ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Deputy-General for Operations, Angelina Bautista humingi na sila ng tulong para magamit ang mga K-9 units ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa ginawang paghahanap, natukoy umano ng search and rescue dogs ang isang septic tank sa dalawang lugar ng Dorm 8 sa Bilibid na pinagtapunan sa bangkay ng nawawalang preso.
Ipasisipsip na sa Maynilad ang poso negro para makuha ang posibleng mga bangkay na nasa loob nito kung saan sasailalim ang makukuhang mga labi sa forensic examination ng National Bureau of Investigation (NBI).