System down ngayon ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa hacking, kung kaya manu-mano muna ang pagproseso ng mga papeles ng mga miyembro nito, ayon kay PhilHealth Senior Vice President for Health Finance Policy Israel Francis Pargas sa panayam ng Newsroon Weekend ng CNN Philippines.
Sabado, Setyembre 23, nang inanunsiyo ng ahensya na down ang kanilang system dahil sa umano’y cyber attack.
Dahil dito, dapat na magprisinta ang PhilHealth identification card, member data record, o iba pang dokumento para ma-access ng miyembro at dependents nito ang kanilang health benefits habang pansamantalang system down ang ahensiya.
Kailangan ding magpunta sa pinakalamalapit na tanggapan ng PhilHealth ang mga employers, miyembro at self-employed para makapagbayad ng kanilang premium.
“Ganun din po kung kailangan magpamiyembro at may mga question, kailangan po pumunta muna tayo sa opisina ng PhilHealth dahil down po ang ating website at member portal, so wala din tayong online transactions,” paliwanag ni Pargas.
Samantala, tiniyak naman ni Pargas na protektado ang personal at medical data ng mga miyembro ng PhilHealth sa kabila ng hacking incident at pinapapaspasan na rin ng ahensya ang pagpapanumbalik sa normal ng kanilang online system.